MAGULANG - BUHAY NG TAO

Wednesday, January 24, 2018

MAGULANG

Hindi ko alam pano sisimulan ang isang talambuhay na ako mismo ang bida. Marunong ako magsulat ng tula, maikling kwento at kung anong pwedeng sanaysayin. Pero ang sarili kong kwento, hindi ko talaga alam pano sisimulan.

Hindi ko rin alam kung malungkot nga ba o natural lang ang kwento ko. Hindi kaiba sa nakakaraming hindi nila nakasama sa tanang buhay nila ang mga magulang nila. Hindi ko alam kung ikaw ay mapapaluha ko o baka sabihin mo lang eh, "ayun lang nman pala." Pero, susubukan ko ikwento ang sarili ko bahala ka na kung maiiyak ka o hindi. Mahalaga, makilala mo ako bilang ka-miyembro mo dito sa kooperatiba.

Ako si Leonard Endiape y Galon. Magulang ko sina Leonardo Endiape Y Canta at Evangeline Galon y Nuevas. Oo, may lahi kaming kastila. Taga Camiguin ang nanay ko, tubong Bicol naman ang sa tatay ko. Ipinanganak ako nung ika labing anim ng hulyo taong kopong kopong. Ipinanganak ako sa Mandaluyong. Sa isang klinika ng pagpapa anak. Ang buong angkan ng aking ama ay sa Mandaluyong lahat nagsipisan.

Ang kwento ko, ayon sa lola ko ay masama ang nanay ko, nag aadik at wala sa sariling bait. Hinahayaan daw akong magtampisaw sa sarili kong dumi. Wala daw alam sa pag aalaga ng bata. Kaya, ang ginawa nila ay tinago ako sa aking ina. Pinaalagaan ako ng lola ko sa isang tiyuhin na noon ay wala pang anak. Wala akong alam sa mundong nakapaligid sken. Tiyuhin ko na ang nagpalaki sken at tinuring nila akong sarili kong anak. Wala namang problema. Inilagay nila sa isip ko na pabaya ang aking ina. Inilagay nila sa isip ko na walang silbi ang taong nagluwal sken. Kaya lumaki akong may galit sa aking ina.

Lahat ng bagay ay merong dalawang kwento. Nagbago ang lahat ng minsan dinalaw ako ng mismong nanay ko noong ika anim na taon ko sa elementarya. Natakot ako sa sarili kong ina. Ni ayaw ko siyang kausapin. Takot na baka ilayo niya ako sa kinilala ko nang pamilya kahit na alam kong hindi nila ako tunay na anak. Subalit sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng anak ang tiyuhin ko. Dalawa sila, lalake at babae. Habang lumalaki ako, nakikita ko ang pagkakaiba ng pagtrato sa pagitan ng ampon at tunay na anak. Todo higpit sken ang kinilala kong magulang. Samantalang sa kanilang anak, maluwang. Isipin mo bang, ako hindi nakapag JS Prom at Gradball? Isang punto sa buhay ng isang estudyante na mahalaga sa kanyang pagtanda sa buhay ngunit ang mga anal nila, sinuportahan nila sa ganung tagpo ng buhay nila. 

Dumating sa punto na nagrebelde ako. Galit ako sa mga nag ampon sken. Gusto kong usigin ang mga taong nagsiping at ako ay hinayaang ilabas sa mundong ito. Sinira ko ang pagaaral ko at binunton ko ang galit ko sa mga bagay makakasakit sa damdamin ng mga umampon sken. Noong mga panahon na yun, sinisisi ko ang lahat. May isang puwang sa buhay ko na hindi ko mahanap, may sadyang kulang.

Hindi ako nagpaka adik. Nagbisyo din ako pero hindi ko niyakap ng husto. Nagkaron ako ng ibat ibang relasyon. Sa mga relasyon ko binubunton ang lahat. At sa relasyon ko unti unting napagtanto na ang pagmamahal ng ina ang siyang hinahanap ko. Nagsimula kong maramdaman na hanapin ang pagmamahal ng isang ina. 

Lumipas ang mga panahon na nagkaroon na ako ng isang pamilya. Hindi perpekto dahil sa mga naganap na hindi kanais nais. Mga baluktot na kaisipan ang namayani sa unang mga taon sa buhay namin. Isang araw, may nagpadala saken ng mensahe sa messenger. Sinasabi niyang anak siya ng aking ina. Dun ko nalaman ang kabilang mukha ng kwentong aking narinig.

Bente anyos ang aking ina nung ako ay ipanganak samantalang dalawangput pito naman ang aking ina. Noong ako ay nasa sinapupunan ng aking ina, binalak daw ng aking ama na ako ay ipalaglag. Nang hinahawakan na daw ang tyan ng aking ina siya daw ay biglang tumayo at lumabas. Madalas daw siyang tumutulong sa pagtitinda sa pwesto ng aking lola. Ako daw ay pinapaalagaan sa mga tiyuhin at tiyahin ko. Isang araw, nakita daw niya akong naglalaro sa sarili kong dumi, agad niya akong kinuha para linisin. Hindi niya akalain na bigla siyang yayakapin ng pangalawang asawa ng lola ko at akmang hahalikan. Agad daw niya itong siniko at inilayo niya ang sarili at ako. Sa galit ng lola dahil binaligtad ang kwento, ipinatapon siya kasama ako sa bahay ng lola sa may Cavite. Walang bintana ang bahay, walang kuryente, walang maayos na higaan at mas malala ay merong masamang ispiritu na laging nagpaparamdam sa aking ina. Ang buawanang sustento na ipinapadala ng aking ama galing saudi ay pinaginteresan ng lola kaya ako ay kinuha sa aking ina para ang padala ay hindi mapupunta sa aking ina kundi sa aking lola. Kung saan saan ako hinanap ng aking ina subalit siguro ng mga panahon na iyon ako ay nasa pangangalaga na ng aking tiyuhin.

Ako ay labis na nasaktan sa aking nalaman. Sa lahat ng anak ng aking ama, ako ang may malasakit. Oo merong unang pamilya ang aking ama, sila ay kasal at ang aking ina ay kanya lamang nabola at naangkin. Samakatuwid, ako ay isang bastardo. Ako lamang ang naging anak anak nila. May tatlo akong kapatid sa unang pamilya, dalawa sa kanila ay sumakabilang buhay na. Naalog ang aking kaisipan nang malaman kong binalak akong ipalaglag ng aking ama. Samantalang noong siya ay nagkasakit sa puso, itinaya ko ang sarili kong credibilidad para lang mailabas siya sa pagamutan. Baon ako sa utang dahil sa kanya. Hindi ko na inaalintana yun, naisip kong gawin ang mabuti ipang tularan ako ng aking mga anak.

Sa ngayon, kami madalas magkwentuhan ng aking ina sa pamamagitan ng teknolohiya. Gusto ko siyang makita, mayakap at magpasalamat dahil hindi niya hinayaan na ako makitlan ng buhay. Kayong may mga magulang, mahalin niyo sila. Anuman ang kanilang ugali at pananaw sa buhay, marapat lamang na sila ay respetuhin at unawain. Kayo ay pinagpala na kasama niyo ang inyong magulang. Lalo na ang inyong ina. Kung may pagkakataon na ako ay makapunta ng Camiguin, aking pupuntahan ang aking ina upang maipaabot ang taos puso kong pasasalamat at pagmamahal.


Salamat po sa inyong pagbabasa sa aking talambuhay. Kung talamabuhay nga bang maituturing.

No comments:

Post a Comment